Saturday, January 23, 2010

Isang belated na hapinyuyir Nay

Nahihiya ako sa'yo dahil hindi man lang kita nadalaw at nabati nung bagong taon. Matatapos na ang Enero pero eto ako, ni hindi man lang kita maisindi ng kandila. Sa totoo lang, matagal ko na gustong dumalaw. Kaso sa tuwing makikita ko pa lang ang pangalan mo na nakaukit sa puting lapidang iyon, hindi ko napipigilang mapaluha. Ni minsan kasi, hnidi ko naisip na darating ang araw na magpapagawa kami nyan. Akala ko kasi hindi ka mawawala sa akin kailanman. Akala ko, makakasama kita sa pag-akyat ko sa entablado para kunin ang aking diploma. Para yun sa'yo Nay. Lahat ng 'to, para sainyo ni Mommy.

Nga pala, gusto ko lang sabihin na sa wakas, sanay na ako na pag umuuwi sa bahay, hindi na kita hinahanap para magmano. Pero hanggang ngayon, hinahanap-hanap ko pa rin ang kulu-kulubot mong kamay, ang init na nadadarama ng aking noo sa tuwing ako'y magmamano.

Nay, natatandaan mo ba nung nakaraang taon, nang uwian kita ng Belgian bites para sa araw ng mga puso? Nung ako ang bumili, ako rin ang kumain. Tanda ko kasi nun, isa lng ang kinain mo. Hindi ka namigay. Ang ginawa mo, itinabi mo yung natitirang dalawa, tapos palihim mong binigay sa akin kasi alam mo kung gaano ko kamahal ang tsokolate. Hindi mo alam kung gano ako nagtampo nun. Kasi akala ko, hindi mo nagustuhan. Ngayon lang pumasok sa isip ko na hindi yun dahil sa hindi mo nagustuhan. Ikaw ang pinakamapagbigay at pinakamaalalahanin na taong nakilala ko. Wala kang katulad. Nay, pangako ko sa'yo, ikaw ang kadate ko ngayong darating na ika-14 ng Pebrero. Sa araw na yan, gusto ko bumaba ka muna galing sa langit at tabihan ako habang pinagmamasdan ko ang lapida mo.

Nay, belated happy new year. Mahal na mahal na mahal na mahal kita.


No comments:

Post a Comment