Paano nga ba kita babatiin ngayong Death Anniversary mo? Pangit naman kung “Happy 1st Death Anniversary” di'ba?
Tatlong daan at pitompu't siaym na araw na ang nakalipas mula ng ika'y pumanaw. Marami ng nagbago Nay. Madalas ng malungkot dito sa bahay. Lagi kasing walang tao. Kapag mag-isa ako dito, lalo lang kitang naalala. Kaya minsan, mas gusto kong wala sa bahay. Sabi nila, matututo rin daw kaming mkalimot. Pero bakit ganun? Ramdam ko pa rin ang pangungulila ko sa'yo, na para bang kahapon ka lang lumisan.
Saan mang sulok ng bahay ako pumunta, ikaw pa rin ang naalala ko. Mukha mo pa rin ang pumapasok sa isip ko. Bihira nga akong pumasok sa dati mong silid. Masyado kasi akong nalulungkot. Marami kasi tayong naiwang alaala doon. Sa silid kung saan sabay tayong natutulog. At sa mga gabing walag kuryente, pilit akong sumisiksik sa maliit mong kama. Miss ko na ang init na iyong likod sa tuwing ako ay yayakap. Sa pagising ko sa umaga,ikaw agad ang aking nakikita. Nakaupo ka sa gilid ng kama habang binabasa ang bibliya. Madalas tayong magkulong doon at patagong kumakain ng mga tago mong tsokolate at mga prutas. Tuwing linggo, magigising na lang ako sa amoy ng iyong pabango at bago ka umalis, di mo nakakalimutan na sermonan ako kung bakit hindi ako nagsisimba.
Kung alam ko lang na lilisan ka na, hindi na sana ako lumipat pa ng ibang silid. Nanatili na lang sana ako doon kung saan magkatabi lang ang kama natin. Doon kung saan gabi-gabi kong naririnig ang iyong hilik. At sa mga gabing pareho tayo hindi makatulog, madalas kang magkwento na kahit paulit-ulit ko ng narinig, tila hindi ako nagsasawang makinig. Lalo na kapag tungkol sa kapasawayan ng nanay ko.
Habang tumatagal, lalong lumalalim ang pangungulila ko sa'yo Nay. Gutso na ulit kitang makasama. Minsan kasi, hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng inspirasyon, ng lakas upang magpatuloy sa buhay. Nasaksihan ko kasi kung paano mo hinarap ang mga problemang dumating sa'yo. Kung paano ka nanatiling malakas at nanalig sa Diyos sa mga oras na nasa ilalim ka ng gulong ng buhay.
Nay, hanggang dito na lang muna. Miss na miss na kita :(
No comments:
Post a Comment