Wednesday, October 28, 2009

Mamimiss kita Nanay :)

Tatlong buwan na kitang hindi nakakausap. Tatlong buwan na rin akong nababalot ng kalungkutan. Sa tuwing susubukan kong magsulat tungkol sa'yong paglisan, inuunahan ako ng luha. Kaya nga tatlong buwan na, hindi ko pa rin maisulat ang mga nasa isipan ko. Asan ka na kaya? Kailan kaya tayo muling magkikita?

Bata pa lang ako, ikaw na ang kinamulatan kong ina. Anlaki ng galit ko noon sa babaeng nagluwal sa akin. Akala ko noon, ayaw niya sa akin. Kaya iniwan niya ako sa'yo, ang babaeng nagluwal sa kaniya. Sa tuwing papaluin mo ako, "Mommy" sinisigaw ko. Sabi mo nun, hindi niya ako maririnig kahit gaano pa kalakas ang sigaw ko. Tama ka. Ni minsan hindi niya ako narinig. Wala siya sa mga oras na kailangan ko ng isang ina. Buti na lang, nandiyan ka. Ilang taon akong nagkimkim ng sama ng loob sa sarili kong ina. Inisip ko na lang na wala na akong ibang makakapitan kundi ang sarili ko. Naging matigas ang ulo ko. Naging pabigat ako sa'yo. Yung mga nagawang perwisyo ng nanay ko sa'yo, inulit ko. Alam ko kung gaano ka nasasaktan sa pagsagot ko sa'yo, sa hindi pagsunod sa mga utos mo. Pero alam ng Diyos kung gaano kita kamahal. Abot langit ang pasasalamat ko na ikaw ang nagpalaki sa akin. Sayang nga, ni hindi man lang kita napasalamatan.

Hulyo nung magkasakit ka. Bago ka i'confine sa hospital, narinig kita ng sabihin mong, "mamamatay na yata ako". Yung mga salitang yun ang pinakakinatakutan ko buong buhay ko. Hindi ko inakalang darating ang araw na maririnig ko yun sa'yo. Natakot ako. Umiyak ako ng gabing iyon. Naalala ko ang mga pangako ko sa sarili ko. sabi ko, gusto ko pag-grumaduate ako, ikaw ang magsasabit ng medalya sa akin. At ang una kong sweldo, sa'yo ko ibibgay. Nung araw na lumisan ka, hindi lang isang Lola ang nawala sa akin. Nawalan ako ng "Nanay", ng superhero. Nawalan din ako ng pangarap. Nawalan ako ng pag-asa. Akala ko, hindi mo kami kailanman iiwan. Nagkamali ako.

Gusto kong pasalamatan ka sa pagpapalaki mo sa akin. Sa pag-aaruga. Sa pagpapatuloy sa tahanan mo. Sa pagbibigay ng mga kailangan ko. Sa mga kwento mong kinapulutan namin ng mga aral. Sa pagtuturo ng mga dapat malaman sa buhay. Sa paglalapit sa akin sa Diyos. At higit sa lahat, sa pagiging "Nanay" mo.

Ang swerte ko dahil labingwalong taon kitang nakasama. Siguro kinaiinggitan ako ng mga anak mo. Sa mga kwento mo, tila ba may mga hinanakit sila sa iyo dahil lagi ka ring wala sa
tabi nila. Kaya siguro nila nasabing ako ang paborito mong apo. Spoiled nga raw ako, dahil sa lola ko.

Sa pagkakataong ito, hindi na kita muling mayayakap pa. Hindi ko na muling maririnig ang mga kwento mo tungkol sa mga Hapon. Hindi ko na muling matitikman ang mga luto mo. Hindi mo na ako muling maisasama sa paborito mong parlor. Hindi ko na mamasdan ang maamo mong mukha tuwing ika'y natutulog habang nanonood. Hindi ko na muling maririnig ang tawa mo.

Sa mga oras na naiisip kita, nalulungkot ako nang sobra sobra. Kung maibabalik ko lamang ang oras, ipaparamadm ko saiyo kung gaano kita kamahal, kung gaano ka kahalaga sa akin. Pero huli na ang lahat.

Sa paglipas ng mga araw, akala ko huhupa ang kalungkutan na nadarama ko. Mali ang akala ko. Habang tumatagal, lalong sumasakit ang sugat na iniwan mo. Sa bawat okasyon na ipinagdiriwang namin, ikaw ang naalala ko.

Tila hindi kailanman mauubos ang luha ko. Naiiyak kase ako sa tuwing magugunita ko ang aking mga alaala na ksama ka. Sana kayang itangay ng luha ang kalungkutan. Sana dumating ang araw na hindi ko na maramdaman ang sakit, ang pangungulila sa iyo.

Kung nasaan ka man, alam ko masaya ka na dahil kasama mo na ang iyong kabiyak na matagal mong hindi nayakap. Huwag kang mag-alala, matututunan ko ring magparaya. Pero ito ang tandaan mo Nay, kailanman hinding hindi ka mawawala sa puso ko.

Salamat sa lahat. Hanggang sa muli nating pagkikita, Nanay. :)




No comments:

Post a Comment